1.10.2011

Dahil kay Bob Ong, naalala ko . . .

(Part 2)

May dahilan kung bakit ginawa kong 3-part series ang blogpost ko tungkol sa mga reflections ko galing sa ABNKKBSNPLAKo?! ni Bob Ong. Una, dahil masyadong mahaba kung iisahin ko lang ang post ng pagkukwento ng naging student life ko. At pangalawa, dahil bored ako at gusto kong may mai-look forward naman ako in terms of blogging.

So. Ang second part. Ito naman ay tungkol sa pagiging high school student ko.

Dahil iisang eskwelahan lang naman ang pinasukan ko mula elementary hanggang high school, at ganon din ang karamihan ng mga naging kaklase ko, wala namang masyadong nagbago sa buhay ko. Maliban syempre sa tumanda ako, nag-iba ang building sa school, nag-iba ng mga teachers, at humirap lalo ang Math. O sige na nga, mas naging maloko ako.

Dati, nung elementary, walang mintis, honor student ako. 1st, 2nd, 3rd, hanggang 10th place pati na Best in Religion (nung mas bata pa 'ko at ang pamantayan lang ng award ay ang test paper na fill in the blanks ng mga prayers) nakuha ko. Best in Conduct lang talaga ang hindi ko kahit kailan nauto ang mga teacher ko na ibigay sa'kin. Pero pagdating ko ng high school, bilang na bilang ang honors ko. Isa lang sa apat na quarter bawat taon at dalawa lang sa apat na taon na nakasama ako sa final set of honors. Natapos ko ang high school nang special awards lang ang nakuha.

Oo, tinamad na 'ko nun. Naisip ko kasing hindi naman na sukatan kung pang-ilang honor student ka taun-taon. Syempre disappointed ang mga magulang ko. Alam ko, kahit 'di nila pinahalata. Pero wala na talaga e.

Sa high school ko din naranasan at natutunan ang gumawa ng homework para sa ibang subject habang nagtuturo ang teacher. Homework para sa susunod na subject, ginagawa kapag ayaw mong intindihin o hindi mo maintindihan ang kasalukuyang itinuturo ng teacher mo. Madalas kong gawin yun kapag Math, na sa malas ko nung 4th year ako, unang subject ko araw-araw dahil ang class adviser namin ay Math teacher.

Natuto din akong mangopya at magpakopya. Ng assignment, ng sagot sa exam, ng kahit anong pwedeng paghati-hatian ng klase. Nahuli ako nung 3rd year ako, habang nagkokopyahan kaming magkaklase sa SRA. Nakalimutan ko na kung anong ibig sabihin nito, pero ang subject na 'to ay yung may binabasa kang story tapos sasagutin mo ang mga tanong tungkol dito. Pero grupo-grupo kayong gagawa kaya siguradong isa sa inyo, nasagutan na ang sasagutan mo palang. Na-diskubre namin yun ng ka-grupo ko. Pero na-diskubre rin kami ng teacher namin. Na-report kami at umabot hanggang Vice Principal at syempre, hanggang sa mga magulang ko dahil hindi ako makakapag-enroll ng 4th year hanggang hindi sila nakakausap.

Lahat yan, dahil lang sa tinamad ako. So masasabi nating naturuan din ako nung high school na mamili ng panahong tatamarin ka.

Oh well, hindi naman ako masyadong napagalitan dahil nung mga panahong yun din ang peak season ng kapatid ko sa pagkolekta ng iba pang misconduct cases sa department naman nila. In short, forgivable na ang pangongopya dahil ang kapatid, ko nasa level na ng suntukan at paninigarilyo sa loob ng school. O diba.

Pero matino pa rin naman ako. Or not. Depende sa definition mo ng matino. Kung matino ang hindi pagbagsak sa klase, hindi laging nale-late (dahil may-ari kami ng school service), hindi pala-absent (kung sa Cavite ka nakatira at walang tao sa bahay n'yo 'pag normal na araw, hindi ka talaga aabsent), at nagpapasa pa naman ng mga requirement (lalo na sa teacher kong nakahuli sa'kin na nangongopya), e di matino nga ako.

Iba lang talaga ang high school. Bukod sa tumatanda na 'ko, marami na ring hassle sa buhay ang nararanasan ko. Kagaya ng love, ng friendship, ng scheming (scheming talaga), at ng gossips (o ayan, isipin mo na lang may pagka-Blair Waldorf ang ugali ko nun--weh!). Naranasan ko ang mang-away pa ng mas maraming tao--nung 1st year pa lang ako, 3rd year ang isa sa pinaka-mahigpit kong kabanggaan sa staircase, may mga pagkakataon ding class president namin ang kaaway at kasigawan ko, at yung ibang pagkakataon, cold war type. Naranasan kong magka-crush sa kuya ng classmate ko--na sinuwerte naman akong maka-grupo sa isang inter-level play competition at maging kaibigan at later on, university-mate nung college (oo, ganon ako ka-swerte kahit pa magkaiba kami ng course).

Higit sa lahat, sa high school ko naramdaman ang mawalan ng kaibigan. Literal na mawalan, as in mamatayan, as in maiwan. Isang bagay na hanggang ngayon mahirap ikwento.

High school ang nagturo sa'kin na kung hindi ka lalaban, kakainin ka ng buhay ng mga tao sa paligid mo (figuratively, syempre). High school din ang nagpaintindi sa'kin na hindi lahat ng meron ka kasalukuyan ay sa'yo na hanggang hindi mo binibitawan, dahil merong iba dyan na dadagit nyan.

At high school din ang nagpakita sa'kin ng klase ng buhay na totoo--halu-halo, paikot-ikot, pabalik-balik kung minsan, pero laging aandar pasulong. At kung hindi ka sasabay, madadaanan ka lang ng iba at masasaktan ka pa.

No comments:

Post a Comment